Pagdiriwang ng Kapistahan ng mga Banal na Apostol San Pedro at San Pablo

Dakilang-Kapistahan-nina-Apostol-San-Pedro-at-San-Pablo

Ipinagdiwang ng San Lorenzo Ruiz Parish ang Dakilang Kapistahan ng mga Banal na Apostol San Pedro at San Pablo. Idinaos ang misa noong ika-29 ng Hunyo, araw ng Sabado, sa Karaniwang Panahon sa Lumang Simbahan. Pinangunahan ni Rev. Fr. Mauricio Llarena ang pagdiriwang ng misa.

Ipinagdiriwang ang Kapistahan ng mga Banal na Apostol upang ipagdiwang at gunitain ang kanilang mahalagang papel sa pagpapalaganap ng Kristiyanismo at pagtupad sa misyon na ipinagkatiwala sa kanila ni Hesus Si San Pedro ang tinaguriang “Bato” o “Bato ng Simbahan” na itinatag ni Hesus bilang pinuno ng Kanyang Simbahan, habang si San Pablo naman ay kilalang misyonero at tagapagtatag ng maraming Kristiyanong komunidad sa unang panahon ng Simbahan.

Silang dalawa – si San Pedro at San Pablo – ay kapwa mga taong makasalanan at may mga kapintasan din ngunit nakabangon nang higit pa sa kanilang inaakala dahil sa biyaya ng Diyos at dahil sa pagiging bukas ng kanilang kalooban sa Panginoon.

Tulad nina San Pedro at San Pablo, nagtulungan sila upang marami ang maligtas. Magkaiba man sila, pareho silang tinatawag sa isang bagay. Sila ay tinawag upang maging tagapagpahayag ng Diyos. Tulad ng Simbahan, ang bawat miyembro nito ay magkakaiba, ngunit ang lahat ay tinatawag sa isang bagay, at iyon ay ibahagi ang kaligtasan sa iba. Ang bawat isa sa atin ay tinatawag din ng Diyos upang ibahagi ang Mabuting Balita sa ating sariling paraan at kaloob. Basta’t pinahihintulutan natin ang Diyos na kumilos sa atin, mayroon tayong malaking maiaambag sa Simbahan. Tayo ay magtulungan tulad nina San Pedro at San Pablo, upang ang mabuting layunin ng Diyos ay matupad sa mundo.

Shopping Cart
Scroll to Top